Sabado, Hulyo 4, 2026

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 6

Mula noon, batid na ni Aling Loisel ang kagimbal-gimbal na buhay ng napakamahihirap. Ngunit ginampanan niya ang kanyang bahagi nang buong kabayanihan. Ang kakila-kilabot na utang ay dapat bayaran. Babayaran niya iyon. Pinaalis nila ang kanilang katulong; nagpalit sila ng tuluyan; nagrenta sila ng silid sa kisame sa ilalim ng bubong.

Nalaman niya ang nakakapagod na gawaing bahay, ang kasuklam-suklam na gawain sa kusina. Naghuhugas siya ng mga pinggan, nasisira ang kanyang mga malarosas na kuko sa mga mamantikang kaldero at ilalim ng mga kawali. Hinuhugasan niya ang maruming linen, ang mga kamiseta at ang mga basahan, na isinabit niya upang matuyo sa sampayan; dinadala niya ang basura pababa sa kalye tuwing umaga, at binubuhat ang timba ng tubig, humihinto sa bawat palapag upang makahinga. At, nakadamit tulad ng isang karaniwang tao, pumupunta siya sa magpuprutas, ang groseriya, ang magkakatay ng karne, ang kanyang basket sa kanyang braso, nakikipagtawaran, nilalait, nakikipaglaban para sa bawat kaaba-abang bagol.

Bawat buwan kailangan nilang magbayad ng ilang mga tala, baguhin ang iba, makakuha ng mas maraming panahon.

Ang kanyang asawa ay nagtatrabaho tuwing gabi, gumagawa ng mga kaperahan para sa isang mangangalakal, at madalas, hanggang hatinggabi, siya ay nakaupo sa pagkopya ng isang manuskrito sa limang bagol sa isang pahina.

At ang ganitong buhay ay tumagal ng sampung taon.

Sa pagtatapos ng sampung taon nabayaran nila ang lahat, lahat-lahat, sa tantiya ng usurero at sa mga akumulasyon ng tambalang interes.

Mukhang matanda na ngayon si Aling Loisel. Siya'y naging malakas, matigas at magaspang tulad ng lahat ng kababaihan ng mahihirap na sambahayan. Sa buhok na sinuklay ang kalahati, na ang mga palda'y nakapilipit, at namumula ang mga kamay, malakas siyang nagsasalita habang hinuhugasan ang sahig gamit ang malalakas na lagaslas ng tubig. Ngunit kung minsan, kapag ang kanyang asawa ay nasa opisina, siya ay nakaupo malapit sa bintana at naiisip ang gabing iyon sa piging noon pa man, kung kailan napakaganda niya at labis na hinahangaan.

Ano kaya ang mangyayari kung hindi nawala ang kwintas na iyon sa kanya? Sino ang nakakaalam, sinong makakaalam? Kakaiba ang buhay, pabagu-bago! Gaano kapiranggot ang kailangan upang ang isang tao'y mapahamak o mailigtas!

*

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 7

Isang araw ng Linggo, habang naglalakad siya sa Champs Élysées upang magpahinga pagkatapos ng linggong trabaho, bigla niyang nakita ang isan...