Miyerkules, Hulyo 1, 2026

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 3

Malapit na ang araw ng piging, at tila malungkot, hindi mapakali, at balisa si Aling Loisel. Gayunpaman, handa na ang kanyang damit. Isang gabi, sinabi sa kanya ng kanyang asawa:

"Anong problema? Kakaiba ang iyong kinikilos nitong nakaraang tatlong araw."

Sumagot siya: "Nalulungkot ako't wala akong alahas, kahit isang bato man lang na maisusuot. Magmumukha akong mahirap. Mas gugustuhin ko pang hindi pumunta sa piging."

"Maaari kang magsuot ng mga bulaklak," sabi nito, "Usong-uso naman iyon sa ganitong panahon. Sa halagang sampung franc, makakakuha ka ng dalawa o tatlong magagandang rosas."

Hindi siya kumbinsido.

"Hindi; wala nang mas nakakahiya pa kaysa sa magmukhang mahirap sa gitna ng maraming mayayamang babae."

"Napakatanga mo!" sigaw ng kanyang asawa. "Pumunta ka at bisitahin ang kaibigan mong si Aling Forestier at pakiusapan kang pahiramin ka muna ng ilang alahas. Kilala mo naman siya, eh."

Napasigaw siya sa tuwa.

"Aba'y oo, hindi ko agad naisip iyon, ah."

Kinabukasan, pumunta siya sa bahay ng kanyang kaibigan at sinabi ang kanyang suliranin.

Pumunta si Aling Forestier sa kanyang aparador na may salamin, kumuha ng isang malaking kahon, ibinalik ito, binuksan, at sinabi kay Aling Loisel:

"Pumili ka, amiga ko."

Una ay nakakita siya ng ilang pulseras, pagkatapos ay isang kuwintas na perlas, pagkatapos ay isang gintong kurus na Venetian na may mga mahahalagang bato, na napakahusay ng pagkakagawa. Sinubukan niya ang mga alahas sa salamin, nag-alangan, hindi niya matiis na kunin iyon, at ibalik ang mga iyon. Paulit-ulit niyang tinatanong:

"Wala na ba?"

"Oo, bakit. Ngunit hindi ko alam kung ano ang gusto mo."

Bigla niyang naisip ang isang itim na kahon na satin, na laman ang isang napakagandang kuwintas na diyamante, at ang kanyang puso ay nagsimulang tumibok sa hindi mapigilang pagnanasa. Nanginig ang kanyang mga kamay nang kinuha niya iyon. Isinuot niya ito sa kanyang leeg, sa ibabaw ng kanyang damit na may mataas na leeg, at natulala sa labis na kaligayahan habang tinitingnan ang kanyang sarili.

Pagkatapos ay nagtanong siya nang may pag-aalala, nag-aalangan:

"Pahihiramin mo ba ako nito, ito lang?"

"Oo, siyempre."

Ikinapit niya ang kanyang mga bisig sa leeg ng kanyang kaibigan, niyakap ito nang buong pagmamahal, pagkatapos ay umalis dala ang kanyang kayamanan.

*

Martes, Hunyo 30, 2026

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 2

Isang gabi, masayang umuwi ang kanyang asawa, hawak ang isang malaking sobre.

"Tingnan mo," sabi niya, "may ibibigay ako para sa iyo."

Pinunit niya ang papel at inilabas ang isang kard, kung saan nakasulat ang mga salitang:

"Ang Ministro ng Edukasyon at si Ginang Georges Rampouneau ay humihiling ng piging sa pagsasama nina G. at Ginang Loisel sa Ministri, sa Lunes ng gabi, Enero 18."

Sa halip na matuwa, gaya ng inaasahan ng kanyang asawa, inihagis niya ang imbitasyon sa mesa nang may sama ng loob, at bumulong:

"Anong gusto mong gawin ko riyan?"

"Subalit, mahal ko, akala ko matutuwa ka. Hindi ka lumalabas, at magiging napakagandang okasyon iyon! Nahirapan akong makuha iyon. Lahat ay gustong pumunta; napaka-eksklusibo nito, at hindi sila nagbibigay ng maraming imbitasyon sa mga klerk. Naroon ang buong ministeryo."

Nakatitig siya sa kanya nang may pagkairita, at may pagkainip na sinabing:

"At ano ang inaasahan mong isusuot ko kung pupunta ako?"

Hindi niya naisip iyon. Nauutal niyang sabi:

"Aba, 'yung damit na suot mo papunta sa teatro. Mukhang napakaganda para sa akin..."

Natigilan siya't nalungkot nang makitang umiiyak ang kanyang asawa. Dalawang malalaking luha ang dahan-dahang tumulo mula sa gilid ng mga mata nito patungo sa gilid ng kanyang bibig. Nauutal niyang sabi:

"Anong problema? Ha?"

Sa matinding pagsisikap, nalampasan niya ang kanyang kalungkutan at sumagot sa mahinahong tinig, habang pinupunasan ang kanyang basang pisngi:

"Wala. Wala lang akong damit kaya hindi ako makakapunta sa piging na iyan. Ibigay mo ang imbitasyon mo sa isang kaibigan na ang asawa'y may mas maganda ang damit kaysa akin."

Nalungkot siya, ngunit sinubukan ulit:

"Tingnan natin, Mathilde. Magkano ang halaga ng isang nababagay na damit na magagamit mo ulit sa ibang pagkakataon, isang bagay na napakasimple?"

Sandali siyang nag-isip, kinukwenta ang halaga, at iniisip din kung magkano ang maaari niyang hilingin nang walang agarang pagtanggi at isang nababahalang bulalas mula sa matipid na tindero.

Subalit nag-alangan siyang tumugon:

"Hindi ko alam nang eksakto, subalit sa palagay ko'y magagawa ko ito gamit ang apatnaraang franc."

Medyo namutla siya, dahil nag-iipon siya ng eksaktong halagang iyon upang makabili ng baril at makapagpasaya nang sumunod na tag-araw, sa probinsya malapit sa Nanterre, kasama ang ilang kaibigang namamaril doon tuwing Linggo.

Gayunpaman, sinabi niya:

"Sige, bibigyan kita ng apatnaraang franc. Ngunit subukan mong bumili ng napakagandang damit."

*

Lunes, Hunyo 29, 2026

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 1

Ang Kwintas
ni Guy de Maupassant

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa siya sa mga dilag na ipinanganak na maganda at kaakit-akit, na animo'y isang pagkakamali ng tadhana, sa isang pamilya ng mga klerk. Wala siyang dote, walang inaasahan, walang paraan upang makilala, maunawaan, mahalin o mapangasawa ng isang lalaking mayaman at kilala; kaya hinayaan niyang makasal siya sa isang batang opisyal ng Ministri ng Edukasyon.

Payak ang kanyang pananamit sapagkat hindi pa siya nakakabili ng mas maganda pa, ngunit siya'y malungkot na parang dati siyang mayaman. Hindi nabibilang ang mga kababaihan sa isang kasta o uri; hinalinhan ng kanilang kagandahan, biyaya, at likas na alindog ang kanilang kapanganakan at pamilya. Ang likas na kaselanan, ang natatanging kagandahan at mabilis na pag-iisip ang nagtatakda ng kanilang lugar sa lipunan, at ang mga anak na babae ng mga karaniwang tao ay ginagawang kapantay ng pinakamagagandang babae.

Walang katapusan ang kanyang pagdurusa, pakiramdam niya ay may karapatan siya sa lahat ng masasarap na pagkain at luho sa buhay. Nagdusa siya dahil sa hirap ng kanulang tahanan habang tinititigan ang maruruming dingding, ang mga lumang upuan at ang mga pangit na kurtina. Ang lahat ng mga bagay na ito, na hindi man lang mapansin ng ibang babaeng kanyang kauri, ay nagpapahirap at nagpapagalit sa kanya. Ang pagkakita sa batang babaeng Brenton na gumagawa ng kanyang mga gawaing-bahay ay pumuno sa kanya ng matinding panghihinayang at mga pantasya ng kawalang pag-asa. Nanaginip siya ng mga payapang silid-panloob na nakasabit sa mga tapiserya ng Silangan, na naiilawan ng mga sulo mula sa itaas na may mga lalagyang tanso, habang ang dalawang matangkad na lalaking nakasuot ng pantalong hanggang tuhod ay natutulog sa malalaking tumba-tumba, inaantok dahil sa matinding init ng kalan. Nanaginip siya ng malalawak na sala na nilagyan ng mga pambihirang lumang seda, mga eleganteng muwebles na puno ng mga walang kasinghalagang palamuti, at mga nakakaakit na maliliit na silid, pinabanguhan, na nilikha upang sa pagsapit ng hapon ay makipagtalamitam sa malalapit na kaibigan - mga sikat, hinahanap na mga lalaki, na kinaiinggitan at hinahangad ng lahat ng kababaihan.

Nang umupo siya upang maghapunan sa isang bilog na mesang natatakpan ng isang tatlong-araw na gulang na tela sa tapat ng kanyang asawa, nang itinaas ang takip ng sopas, ay sumigaw nang may pananabik, "Ah! Nilagang baka! Ano pa kaya ang mas masarap," nanaginip siya ng masasarap na hapunan, ng kumikinang na mga kubyertos, ng mga tapiseryang pumupuno sa mga dingding ng mga pigura mula sa ibang panahon at mga kakaibang ibon sa mga kagubatan ng diwata; Nanaginip siya ng masasarap na putaheng inihahain sa magagandang pinggan, ng mga anasan ng katapangang pinakikinggan nang may mahiwagang ngiti habang kinakain ang kulay rosas na laman ng isdang tritsa o ang mga pakpak ng pugo.

Wala siyang damit, walang alahas, wala; at ito lamang ang mga bagay na minamahal niya. Pakiramdam niya'y ginawa siya para sa kanila lamang. Gusto niyang maakit, kainggitan, kahumalingan, at hanapin.

Mayroon siyang isang mayamang kaibigan, isang dating kaklase sa kumbento, na ayaw na niyang bisitahin dahil labis siyang nagdusa nang siya'y umuwi. Sa maraming araw pagkatapos, manangagis siya sa kalungkutan, panghihinayang, kawalang pag-asa at paghihirap.

*

Martes, Pebrero 3, 2026

Barok na salin

BAROK NA SALIN

batid mo pag di Pinoy magsalitâ
parang pananagalog ng Kastilà
kung salin ng google, mahahalatâ
pag barok ang salin ay kitang sadyâ

suriin ang salin sa pahayagan
imbes na "makatarungang dahilan..."
wika'y "makatarungan na dahilan..."
pati "agaran na..." imbes "agarang...

tulad ng salin ng A.I. sa dyaryo
imbes sinulat ay "sa kwentong ito..."
nakasulat ay: "sa kwento na ito..."
batid mo agad na di Pilipino

isa pa: "para sa biktima na si..."
dapat ito'y "para sa biktimang si..."
parang Kastilaloy ang pagkasabi
sinalin na nga'y di pa pinagbuti

di na ba napupuna ng patnugot
ang ganyan? ako'y walang maisagot
google at AI, kayrami pang gusot
na pag binasa mo'y nakalulungkot

- gregoriovbituinjr.
02.03.2026

* mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 2, 2026, p.9

Sabado, Nobyembre 1, 2025

Pagsasalin

PAGSASALIN

noong nakaburol si ama, ako'y nagsasalin
o translasyon mula Ingles hanggang sa wika natin
naospital at namatay si misis, nagsasalin
ngayong Undas, mayroon ding tinatapos na salin

anupa't pagsasalin na'y akibat na trabaho
ng inyong lingkod, bahagi na niring pagkatao
trabahong maselan, konsentrasyon talaga ito
lalo't isinasalin ay libro o dokumento

pagsasalin na'y ginagawang buong katapatan
sa ganyang larangan nakilala ang kakayahan
ekstrang trabaho ng pultaym na tibak na Spartan
bukod pa sa gawaing magsulat sa pahayagan

kung kumita ng konti, upang mabuhay na'y sapat
subalit sa utang ay di magkakasyang pambayad
sa tiwalà, ako'y lubos na nagpapasalamat
kahit Undas, ang matapos ang salin yaring hangad

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Sabado, Hunyo 21, 2025

Sa pangungulila, ako'y naghihintay (salin)

SA PANGUNGULILA, AKO'Y NAGHIHINTAY

Nakita ko ang Igorot version ng awiting "In Grief I'm Waiting" sa isa pang songbook na walang pamagat kundi table of contents ang nasa harap na pahina. Binubuo iyon ng 192 pahina. Ang nasabing awit ay Bilang 652 na nasa pahina 190. Katabi niyon ang Igorot version ng Grace Before Meals at Grace After Meals.

Dahil Ingles ang pamagat ay hinanap ko ang English version sa table of contents. Ang bersyong Ingles ay Bilang 269 na nasa pahina 79. Nilitratuhan ko ang bersyong Igorot at bersyong Ingles habang isinalin ko naman ang bersyong Ingles sa wikang Filipino, na tulang may labindalawang pantig bawat taludtod, bagamat walang caesura o hati sa gitna ng taludtod.

Narito ang aking pagkakasalin:

Sa pangungulila, ako'y naghihintay
Habang nasa malayo ka, aking sinta
Ang aking puso'y tigib ng pagmamahal
Na napakamaluwalhati't matapat
Iniluha ko ang mga pinangarap
Na matagal pa rin kitang magsasama
Hanggang sa pagbabalik mo, pag-ibig ko'y 
Magdiringas, Hihintayin pa rin kita

- gregoriovbituinjr.
06.21.2025

Linggo, Nobyembre 24, 2024

Pambungad sa libretong "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino"

PAMBUNGAD

Ang aklat ng salin na ito ng mga tula ng mga makatang Palestino ay sinimulan noong Oktubre 1, 2024, na sana’y tuloy-tuloy sa buong Oktubre, at abutin ng Nobyembre 29 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People. Bawat araw ay may isang tulang isinalin.

Subalit natigil ito noong Oktubre 23, 2024 dahil si misis ay isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng kanyang tiyan. Nakita na ang kanyang sakit ay venous thrombosis o blood clot. Sinasabi ng mga doktor na rare case daw ang kay misis dahil bihira raw ang kasong blood clot sa bituka Sana’y makaraos at gumaling si misis sa kanyang sakit na ito, habang ako’y nakabantay at nakatira na rin halos sa ospital.  Kahit nasa ospital kami ni misis ay nakikiisa pa rin ako (o kami) sa laban ng mga Palestino upang lumaya sila sa kuko ng mga buhong na sumakop sa kanilang bansa. Kailangan nilang makamit ang Kalayaan, Independencia, Kasarinlan, Freedom, Liberty (na siyang ngalan ng aking asawa).

Sa paglulunsad ng mga salin na ito ng mga makatang Palestino, ginawa ko ang pag-layout nito habang nasa ospital. Dalawampu’t dalawang tulang isinalin mula Oktubre 1 - 22, 2024. Isinama ko na rin ang nauna kong salin ng dalawa pang tula noong Enero 2024, at isang tulang aking kinatha. Bale dalawampu’t limang tula lahat.

Nawa ang munting pampletong ito ng salin ng mga tula ng mga makatang Palestino ay makatulong kahit munti sa panawagan nating paglaya ng mga kapatid na Palestino mula sa panunupil, pagsasamantala, at pang-aapi ng mga mananakop. Mula ilog hanggang dagat, lalaya rin ang Palestine!

Gregorio V. Bituin Jr.
Tagasalin, manunulat, makata
Nobyembre 24, 2024

Pahabol: Ilan sa mga litrato sa aklat na ito ay mula sa google, habang ang ilan ay kuha ng tagasalin. Maraming salamat po.

Biyernes, Nobyembre 8, 2024

Salin ng tula ni Charlie Chaplin

SALIN NG TULA NI CHARLIE CHAPLIN
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nilason ng kasakiman ang diwa ng tao,
na binarikadahan ng poot ang daigdig,
na ala-gansang hinakbangan tayo sa dusa't
pagdanak ng dugo.

Nakagawa tayo ng mabilis,
subalit sarili natin ay ipiniit.
May makinaryang ang bigay ay kasaganaan
ngunit nilulong tayo sa pangangailangan.

Ginawa tayong mapanlait ng ating nalalaman;
ang ating talino, matigas at hindi mabait,
Labis tayong nag-iisip at kaunti ang nararamdaman.

Higit pa sa makinarya,
kailangan natin ang sangkatauhan.
Higit pa sa talino,
kailangan natin ng kabutihan at pagkamahinahon.

Kung ang mga katangiang ito'y wala
buhay ay magiging marahas at lahat ay mawawala.

~ Charlie Chaplin

* ang mga litrato ay mula sa isang fb page
11.08.2024

Si Sir Charles Spencer Chaplin, Jr., KBE (Abril 16, 1889 – Disyembre 25, 1977), mas kilala bilang Charlie Chaplin, ay isang Ingles na komedyanteng aktor at tagagawa ng pelikula na nagkamit ng mga parangal sa Academy Awards. Naging isa sa mga pinakasikat na artista, gayon din bilang isang tagagawa ng pelikula, kompositor at musikero noong nauna at gitnang panahon ng "Klasikong Hollywood" ng pelikulang Amerikano. (Wikipedia)

A poem by Charlie Chaplin

Greed has poisoned men's souls,
has barricaded the world with hate,
has goose-stepped us into misery
and bloodshed.

We have developed speed,
but we have shut ourselves in.
Machinery that gives abundance
has left us in want.

Our knowledge has made us cynical;
our cleverness, hard and unkind.
We think too much and feel too little.

More than machinery,
we need humanity.
More than cleverness,
we need kindness and gentleness.

Without these qualities,
life will be violent and all will be lost.

Martes, Oktubre 22, 2024

Pagninilay

PAGNINILAY
Tula ni Asmaa Azaizeh
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

Kahapon, iniabot ko lahat ng aking tula sa aking tagapaglathala.
Pakiramdam ko'y ang aking ulo ang inabot ko sa kanya 
at ang mga salitang binibigkas ko mula ngayon
ay lalabas sa bibig niya.
Napakasakit!

Hindi nagpapakita nang paisa-isa ang mga sakuna
Dumarating sila sa kawan-kawan tulad ng isang nagugutom na hayop.
Sinabi ito ng isang makata at siya'y ay namatay.
Halimbawa, kalahati ng aking pamilya ang namatay
at pagkatapos kong ipagdiwang ang dulo ng taon
namatay ang aking ama.

Simula noon ay hinayaan ko na ang aking mga tula.
Tuwing gabi naglalasing ang mga makata sa ilalim ng aking bintana
at dinidiktahan ako ng matatalinong tula.
Kinasusuklaman ko ang karunungan.
Inaanyayahan ko sila, at nilapa ko silang animo'y tupang pinataba
at nakisalo sa kanila,
subalit hindi ko pa rin maibabalik ang aking tinig.
Nasulyapan ko ito sa bintana, nakabayubay
sa ituktok ng bundok.

Ako'y naging repleksyon na lang
ng isang punong hinubaran sa isang lusak sa daan.
Ako'y huwag mong hakbangan, itago mo ako sa lilim
mula sa araw na maaaring sumikat
at msumingaw ang aking katawan.
Marahil ay sasabihin ko ang aking kapayapaan.

Sasabihin ko sa iyong ang mga sakuna'y maaapula rin
pag tinigilan mong lagyan sila ng panggatong,
datapwat hindi mo ako maririnig,
at ang bundok ay mula sa pampaningas.

- sa Dabbouria, Ibabang Galillee

10.22.2024

* Si Asmaa Azaizeh ay isang babaeng makata, lumalabas sa entablado, at mananalaysay na nakabase sa Haifa. May-akda siya ng tatlong kalipunan ng mga tula, ang Liwa, na nagwagi ng 2010 Al Qattan Foundation Debut Writer Award, As The Woman from Lod Bore Me, at Don’t Believe Me If I Talk To You of War. Si Azaizeh ang unang direktor ng Mahmoud Darwish Museum sa Ramallah simula noong 2012.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na:  
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Lunes, Oktubre 21, 2024

Tulang walang pamagat IV - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT IV
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

IV.

Siya'y tumatangis, kaya kinuha ko ang kanyang kamay upang pakalmahin at upang punasan ang kanyang mga luha.

Sabi ko sa kanya habang sinasakal ako ng kalungkutan: ipinapangako ko sa iyong ang katarungang iyon

ay mananaig din sa dulo, at daratal din ang kapayapaang iyon sa lalong madaling panahon.

Nagsisinungaling ako sa kanya, siyempre. Batid kong di mananaig ang katarungan

at di daratal ang kapayapaan sa lalong madaling panahon, subalit dapat kong pigilan ang kanyang pagtangis.

May mali akong palagay na nagsasabing, kung kaya natin, sa pamamagitan ng ilang tapik, ay mapapahinto

ang ilog ng luha, na magpapatuloy ang lahat sa makatwirang paraan.

Pagkatapos, tatanggapin na lamang ang mga bagay kung ano sila. Mangingibabaw ang kalupitan at katarungan

nang magkasama sa parang, ang diyos ay magiging kapatid ni satanas, at ang biktima'y magiging

sinta ng pumatay sa kanya.

Subalit walang paraan upang ang mga luha'y mapigilan. Patuloy silang bumubuhos na animo'y baha

at sinisira ang nakahigang seremonya ng kapayapaan.

At dahil dito, para sa mapait na kapalaluan ng mga luha, hayaang italaga ang mata bilang tunay na banal

sa balat ng lupa.

Hindi tungkulin ng tula ang magpahid ng luha.

Dapat ang tula'y maghukay ng kanal upang pagdaluyan ng luha at lunurin ang santinakpan.

- mula sa A Date for the Crow

10.21.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 3

Malapit na ang araw ng piging, at tila malungkot, hindi mapakali, at balisa si Aling Loisel. Gayunpaman, handa na ang kanyang damit. Isang g...