At nagtanong ang hari:
'Sabihin mo sa akin, lolo, binili mo ba ito saanman, o kayo mismo ang nagtanim nito?'
Ngumiti ang matanda.
'Noong panahon ko,' tugon niya, 'walang sinuman ang nakaisip ng ganyang kasalanan tulad ng pagbili o pagbenta ng tinapay; at wala kaming alam tungkol sa salapi. Bawat tao'y may sapat na mais.'
'Kung gayon, sabihin mo sa akin, lolo,' tanong ng Hari, 'saan ang iyong bukid, saan ka nagtanim ng mais nang ganito?'
At sumagot ang lolo:
'Ang aking bukid ay lupa ng Bathala. Saanman ako mag-araro, naroon ang aking bukid. Malaya ang lupa. Ito'y isang bagay na hindi maituturing na kanya ng sinuman. Ang paggawa lamang ang tinatawag ng mga tao na kanya.'
'Sagutin mo ako sa dalawa kong tanong,' sabi ng Hari. 'Ang una ay, Bakit ang lupa ay nagbunga ng ganitong butil noon, at tumigil na ngayon? At ang pangalawa ay, Bakit ang iyong apo ay naglalakad na may dalawang saklay, ang iyong anak ay may isa, at ikaw mismo ay wala? Ang iyong mga mata ay maliwanag, ang iyong mga ngipin ay malusog, at ang iyong pananalita ay malinaw at kaaya-aya sa pandinig. Paano nangyari ang mga bagay na ito?'
At sumagot ang matanda:
'Ganyan nga po ang mga bagay-bagay, dahil ang mga tao ay nagsitigil na sa pamumuhay sa kanilang sariling paggawa, at umasa na lamang sa paggawa ng iba. Noong unang panahon, ang mga tao ay namuhay ayon sa batas ng Bathala. Mayroon silang sarili nilang mga ari-arian, at hindi hinangad ang mga gawa ng iba.'
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento