Martes, Hulyo 14, 2026

Ang Marka sa Dingding, ni Virginia Woolf - Bahagi 6

Hindi, hindi, walang napapatunayan, walang nalaman. At kung babangon ako ngayon at titiyaking ang marka sa dingding ay talagang — ano ang sasabihin natin? — ulo ng isang luma't napakalaking pako, na itinusok dalawang daang taon na ang nakararaan, na ngayon, dahil sa matiyagang paglisan ng maraming henerasyon ng mga kasambahay, ay nagpakita ng ulo nito sa ibabaw ng pintura, at unang nasisilayan ang modernong buhay pagkakita sa puting pader na naliliwanagan ng apoy, ano ang aking mahihita? — Kaalaman? Kailangan pa ba ng haka-haka? Nakakapag-isip pa ako kahit nakaupo o nakatayo. At ano ang kaalaman? Ano ang ating mga marurunong na tao maliban sa mga inapo ng mga mangkukulam at ermitanyong nakayuko sa mga kuweba at sa kakahuyan, nagtitimpla ng mga halamang gamot, nagtatanong sa mga daga at nagsusulat ng wika ng mga bituin? At habang nababawasan ang ating paggalang sa mga ito habang nababawasan ang ating mga pamahiin at tumataas ang ating paggalang sa kagandahan at kalusugan ng isip…. Oo, maiisip ninuman ang isang napakagandang daigdig. Isang tahimik at maluwang na daigdig, na may mga bulaklak na napakapula at bughaw sa lantad na parang. Isang daigdig na walang mga guro, espesyalista, o kasambahay na parang mga pulis, isang daigdig na kayang hiwain gamit ang isip kung paanong hinihiwa ng isda ang tubig gamit ang kanyang palikpik, kumakain ng mga tangkay ng mga liryo sa tubig, na nakasabit sa pugad ng mga puting itlog ng dagat…. Kaypayapa rito sa ibaba, nakaugat sa gitna ng daigdig at nakatingala sa kulay abong tubig, kasama ang kanilang biglaang kislap ng liwanag, at ang kanilang mga repleksyon — kung hindi dahil sa Almanak ni Whitaker — kung hindi dahil sa Talaan ng mga Karapatang-ari!

Kailangan kong tumalon at tingnan mismo kung ano talaga ang markang iyon sa dingding — isang pako, isang dahon ng rosas, isang bitak sa kahoy?

Narito muli ang kalikasan sa kanyang lumang laro ng pangangalaga sa sarili. Ang sunod-sund na pag-iisip na ito, napagtanto niya, ay nagbabanta lamang ng pag-aaksaya ng enerhiya, kahit na ilan pang banggaan sa reyalidad, sapagkat sino pa ang makakapag-angat ng daliri laban sa Talahanayan ng Kataas-taasang Kagalingan ni Whitaker? Ang Arsobispo ng Canterbury ay sinusundan ng Kataaas-Taasang Panginoong Tsanselor; ang Kataaas-Taasang Panginoong Tsanselor ay sinusundan ng Arsobispo ng York. Lahat ay may sinusunod, ganoon ang pilosopiya ni Whitaker; at ang dakila ay ang malaman kung sino ang sumusunod kanino. Alam ni Whitaker, at hayaan mong gayon, ayon sa payo ng Kalikasan, ang umaliw sa iyo, sa halip na galitin ka; at kung hindi ka maaliw, kung kailangan mong basagin ang oras na ito ng kapayapaan, isipin ang marka sa dingding.

Nauunawaan ko ang laro ng Kalikasan — ang kanyang pag-uudyok na kumilos bilang paraan ng pagwakas ng anumang kaisipang nagbabanta sa pagpukaw o sakit. Kaya naman, sa palagay ko, ay nagmumula ang ating bahagyang paghamak sa mga taong kumikilos — mga taong, ipinapalagay nating, hindi nag-iisip. Gayunpaman, walang masama sa pagtigil nang lubusan sa iyong mga hindi kanais-nais na kaisipan sa pamamagitan ng pagtingin sa isang marka sa dingding.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Marka sa Dingding, ni Virginia Woolf - Bahagi 6

Hindi, hindi, walang napapatunayan, walang nalaman. At kung babangon ako ngayon at titiyaking ang marka sa dingding ay talagang — ano ang sa...