Tunay nga, ngayong natitigan ko na iyon, pakiramdam ko'y nakahawak ako sa isang kahoy na babad sa dagat; nadama ko'y kalugod-lugod na pakiramdam ng reyalidad na agad na nagpapabalik sa dalawang Arsobispo at sa Kataas-Taasang Panginoong Tsanselor sa mga anino ng mga lilim. Narito ang bagay na tiyak, bagay na totoo. Kaya, pagkagising isang hatinggabi ng kakila-kilabot napanaginip, may agad na nagbukas ng ilaw at humiga nang tahimik, sinasamba ang aparador, sinasamba ang katatagan, sinasamba ang reyalidad, sinasamba ang impersonal na daigdig na patunay ng ilan pang bagay na umiiral maliban sa atin. Iyan ang nais mong matiyak…. Ang kahoy ay kaaya-ayang bagay kung iisipin. Iyon ay nagmula sa puno; at ang mga puno ay lumalaki, at hindi natin alam kung paano sila lumalaki. Sa loob ng maraming taon, lumalaki sila, nang hindi tayo pinapansin, sa kaparangan, sa kagubatan, at sa tabing ilog — lahat ng bagay na gustong isipin ng isang tao. Inihahampas ng baka sa ilalim nila ang kanilang buntot pag mainit na hapon; pinipinturahan nila ang ilog na napakalunti na kapag sumisid ang isang itik, inaasahan mong makita ang mga balahibo nitong pawang luntian kapag ito'y muling umahon. Nais kong isipin ang mga isdang nakabalanse sa agos na parang mga bandilang hinuhubaran; at ng mga salagubang-tubig na dahan-dahang nagbubuga ng mga simboryo ng putik sa ibabaw ng ilog. Nais kong isipin ang puno mismo: una ang halos tuyong pakiramdam ng pagiging kahoy; pagkatapos ang paggiling ng bagyo; pagkatapos ang mabagal at masarap na pag-agos ng dagta. Nais ko rin itong isipin, sa mga gabi ng taglamig na nakatayo sa bakanteng kaparangan na ang lahat ng mga dahon ay magkakadikit, walang malambot na nakalantad sa mga balang bakal ng buwan, ang hubad na masta sa isang lupang gumuguho't gumuguho, buong gabi. Ang huni ng mga ibon ay tiyak na napakalakas at kakaiba sa Hunyo; at gaano kalamig ang nararamdaman ng mga paa ng mga kulisap dito, habang sila'y gumagawa ng masipag na pag-akyat sa mga tupi ng balakbak ng puno, o sumisikat sa manipis na luntiang sibi ng mga dahon, at tumingin nang diretso sa harap nila na may mga pulang matang parang diyamante ang hiwa.... Isa-isang napuputol ang mga hibla sa matinding lamig ng lupa, pagkatapos ay dumating ang huling bagyo at, nagsibagsakan, ang pinakamataas na mga sanga ay muling tumutusok nang malalim sa lupa. Gayunpaman, ang buhay ay hindi pa tapos; mayroong isang milyong matiyaga at mapagmasid na buhay para sa isang puno, sa buong daigdig, sa mga silid-tulugan, sa mga barko, sa bangketa, sa mga silid-tulugan, kung saan ang mga lalaki at babae ay nakaupo pagkatapos mag-tsaa, naninigarilyo. Puno iyon ng mapayapang kaisipan, masasayang kaisipan, ang punong ito. Nais kong kunin ang bawat isa nang hiwalay — subalit may humahadlang…. Nasaan ako? Tungkol saan ang lahat ng iyon? Isang puno? Isang ilog? Ang Downs? Ang Almanak ni Whitaker? Ang mga bukid ng asphodel? Wala akong maalala. Lahat ay gumagalaw, nahuhulog, nadudulas, nawawala…. May malawak na kaguluhan ng materya. May nakatayo sa aking tabi at nagsasabing—
“Lalabas ako upang bumili ng diyaryo.”
“Sige?”
“Kahit na hindi magandang bumili ng diyaryo…. Walang nangyayari. Sumpain ang digmaang ito; Diyos ko, sumpain ang digmaang ito!… Gayunpaman, hindi ko maunawaan kung bakit dapat tayong magkaroon ng kuhol sa ating dingding.”
Ah, ang marka sa dingding! Isa iyong kuhol.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento