ANG HUNYANGO
ni Anton Chekhov
Naglalakad sa liwasan sa palengke si Otchumyelov, ang superintendente ng pulisya, suot ang isang bagong gaban at yakap ang isang pakete. Isang pulis na may pulang buhok ang humahabol sa kanya, tangan ang isang bistayang puno ng mga nakumpiskang aratiles sa kanyang mga kamay. Tahimik ang paligid. Walang sinuman sa liwasan.... Ang mga bukas na pinto ng mga tindahan at taberna ay nakatanaw sa daigdig ng Bathala nang may kalungkutan, parang mga gutom na bibig; wala ni isang pulubi malapit sa kanila.
“Kaya nangangagat ka, ikaw na isinumpang hayop?” biglang narinig ni Otchumyelov. “Mga binata, huwag ninyo siyang bitawan! Bawal ang mangagat ngayon! Hawakan ninyo siya! ah . . . ah!” May narinig na ungol ng aso. Tumingin si Otchumyelov sa direksyon ng tunog at nakita ang isang aso, patalon-talon gamit ang tatlong paa at lumilingon sa paligid, tumatakbo palabas ng tableriya ni Pitchugin. Isang lalaking nakasuot ng inarmirol na damit, na walang butones ang kanyang tsaleko, ang humahabol sa kanya. Hinabol siya nito, at sa pagtalsik ng kanyang katawan paharap ay natumba at hinawakan ang aso sa mga binti nito sa likuran. Muli ay may narinig na ungol at sigaw na "Huwag mong bitawan!" Naglabasan sa tindahan ang mga mukhang puyat, at di nagtagal ay isang pulutong, na tila nagmula sa lupa, ang nagtipon sa paligid ng bakuran ng tableriya.
"Mukhang may away, sir..." sabi ng pulis.
Lumingon si Otchumyelov nang bahagya sa kaliwa at humakbang patungo sa karamihan.
Nakita niya ang nabanggit na lalaking nakasuot ng tsaleko, nakatayo malapit sa tarangkahan ng tableriya, nakataas ang kanang kamay at ipinapakita ang dumudugong daliri sa karamihan. Sa kanyang halos lasing na mukha, malinaw na nakasulat: "Babayaran kita, gago ka!" at sa katunayan ang mismong daliri ay may hitsura ng isang bandila ng tagumpay. Sa lalaking ito, naalala ni Otchumyelov si Hryukin, ang panday-ginto. Isang puting tutang Borzoy na may matalas na nguso at dilaw na tagpi sa kanyang likod ang salaring nagdulot ng kaguluhan, tutang nakaupo sa lupa, nakaunat ang mga paa sa gitna ng karamihan, nangangatal ang buong katawan. May pahiwatig ng paghihirap at takot sa kanyang mga matang lumuluha.
* gaban - makapal at mahabang kasuotang panlabas na isinusuot sa ibabaw ng damit at ginagamit kung taglamig; mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.251
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento