At gayunpaman, ang markang iyon sa dingding ay hindi naman talaga butas. Maaari pa nga itong sanhi ng ilang bilog at itim na sangkap, tulad ng isang maliit na dahon ng rosas, na natira mula sa tag-araw, at ako, bilang isang hindi masyadong mapagbantay na kasambahay — tingnan ang alikabok sa dapugan, halimbawa, ang alikabok na, sabi nila, ay nagbaon sa Troy nang tatlong ulit, mga piraso lamang ng palayok na lubos na tumatangging malipol, gaya ng maaaring paniwalaan ng isa.
Ang puno sa labas ng bintana ay marahang kumakatok sa salamin…. Nais kong mag-isip nang tahimik, mahinahon, maluwang, hindi kailanman naaabala, hindi na kailangang tumayo mula sa aking upuan, madaling lumipat mula sa isang bagay patungo sa isa pa, nang walang anumang nadaramang poot, o balakid. Nais kong sumisid nang mas malalim, palayo sa ibabaw, kasama ang matigas at magkakahiwalay na katotohanan nito. Upang mapatatag ang aking sarili, hayaan mong hawakan ko ang unang ideyang sumulpot…. si Shakespeare…. Mabuti, gagawin niya ang kasinghusay ng iba. Isang lalaking nakaupo nang matatag sa isang tumba-tumba, at nakatingin sa apoy, kaya — Isang ulan ng mga ideya ang walang tigil na bumagsak mula sa isang napakataas na Langit pababa sa kanyang isipan. Sinapupo niya sa palad ang kanyang noo, at ang mga tao, nakatingin sa loob mula sa bukas na pinto, — dahil ang tagpong ito'y dapat maganap isang gabi ng tag-araw — Ngunit nakakabagot ito, ang makasaysayang kathang-isip na ito! Hindi na ako interesado. Nawa'y madama ko ang isang kaaya-ayang landas ng pag-iisip, isang landas na hindi direktang sumasalamin sa aking sarili, dahil ang mga iyon ang pinakamasayang naiisip, at madalas na nasa isip kahit ng mga mapagpakumbabang taong kulay daga, na tunay na naniniwalang ayaw nilang marinig ang kanilang sariling papuri. Hindi sila mga kaisipang direktang pumupuri sa sarili; iyon ang kagandahan ng mga ito; ang mga ito'y kaisipang tulad nito:
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento