Biyernes, Hulyo 3, 2026

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 4

Dumating ang araw ng piging. Naging matagumpay si Aling Loisel. Mas maganda siya kaysa ibang babae, elegante, mabait, nakangiti, at puno ng kagalakan. Tinitigan siya ng mga kalalakihan, tinanong ang kanyang pangalan, at sinubukang ipakilala. Gusto ng lahat ng opisyal ng gabinete na makipagsayaw ng waltz sa kanya. Napansin siya ng ministro.

Sumayaw siya ng magaslaw, nang may pagsinta, lango sa kasiyahan, kinalimutan ang lahat dahil sa kanyang kagandahan, sa kaluwalhatian ng kanyang tagumpay, sa animo'y alapaap ng kaligayahan, na binubuo ng lahat ng paggalang na ito, lahat ng paghangang ito, lahat ng nagising na mga pagnanasang ito, ng pakiramdam ng tagumpay na napakatamis sa puso ng isang babae.

Umalis siya bandang ikaapat ng madaling araw. Humihilik ang kanyang asawa mula hatinggabi sa isang maliit at walang nakatirang silid kasama ang tatlong iba pang ginoong ang mga asawa'y nagsasaya.

Inihagis ng kanyang asawa sa kanyang balikat ang mga damit na dala nito para sa kanya sa labas, ang mga mainam na damit ng isang ordinaryong buhay, na ang kahirapan ay lubhang naiiba sa kagandahan ng damit pangsayaw. Naramdaman niya ito at nais niyang tumakas, upang hindi siya mapansin ng ibang babaeng nakabalot sa kanilang sarili ng mamahaling mabalahibong panlamig.

Pinigilan siya ni Loisel.

"Sandali lang, sisipunin ka sa labas. Maghahanap ako ng taksi."

Ngunit hindi ito nakinig sa kanya, at mabilis na bumaba ng hagdan. Nang sila'y nasa kalye na, wala silang nakitang taksi, at nagsimulang maghanap, sinisigawan ang mga nagmamaneho ng taksing nakita nilang dumadaan sa may di kalayuan.

Desperado silang naglakad pababa patungo sa Seine, nanginginig sa lamig. Sa wakas ay natagpuan nila sa pantalan ang isa sa mga lumang panggabing taksing makikita lamang sa Paris pag dumilim na, na parang nahihiya silang ipakita ang kanilang kawalanghiyaan sa araw.

Ibinaba sila sa kanilang pintuan sa Rue des Martyrs (Daan ng mga Martir), at malungkot na umakyat sa hagdan patungo sa kanilang apartment. Tapos na ang lahat, para sa kanya. At naaalala niyang kailangan niyang bumalik sa kanyang opisina ng alas-diyes.

Sa harap ng salamin, hinubad niya ang mga damit sa nakasampay sa kanyang balikat, at tiningnan ang sarili sa huling pagkakataon sa buong kaluwalhatian nito. Ngunit bigla siyang napasigaw. Wala na ang kwintas sa kanyang leeg!

"Anong nangyari?" tanong ng kanyang asawa, na halos nakahubad na.

Humarap siya sa kanya, na takot na takot.

"Mayroon ako... Mayroon ako... Wala na ang kwintas ni Aling Forestier."

Tumayo siya, nalilito.

"Ano! ... paano! ... Imposible iyon!"

Hinanap nila iyon sa mga tinupi niyang damit, ang mga tupi ng kanyang balabal, ang mga bulsa, kung saan-saan. Ngunit hindi nila ito mahanap.

"Sigurado ka bang suot mo pa rin iyon noong iniwan mo ang sayawan?" tanong niya.

"Oo. Nahawakan ko pa iyon sa pasilyo sa Ministry."

"Subalit kung nawala mo iyon sa kalye, malamang ay narinig natin itong nahulog. Siguro ay nasa loob ng taksi."

"Oo. Malamang iyon nga. Nakuha mo ba ang numero ng taksi?"

"Hindi. At ikaw, hindi mo ba napansin?"

"Hindi."

Nagkatitigan sila, natigilan. At muli, isinuot ni Loisel ang kanyang mga damit.

"Babalik ako," sabi ng lalaki, "sa buong rutang nilakad natin, tingnan ko kung mahahanap ko iyon."

Umalis ito. Nanatili siyang nakasuot ng kanyang damit-pansayaw ng buong gabi, walang lakas upang matulog, nakaupo sa isang bangkô, walang apoy sa apuyan, blangko ang isip.

Bumalik ang kanyang asawa bandang ikapito ng uamaga. Hindi niya nahanap.

Pumunta ito sa pulisya, sa mga pahayagan para mag-alok ng gantimpala, sa mga kompanya ng taksi, nagbakasakali saanman may kaunting pag-asa.

Naghintay siya buong araw, sa parehong kalagayan ng kawalang pag-asa mula bago maganap ang nakakatakot na pangyayaring ito.

Bumalik si Loisel kinagabihan, isang hungkag at maputlang pigura; wala siyang natagpuan.

"Kailangan mong sumulat sa iyong kaibigan," sabi ng kanyang asawa, "sabihin sa kanyang nabali mo ang kawit ng kanyang kuwintas at pinapaayos mo ito. Bibigyan tayo nito ng dagdag na panahon upang maghanap pa."

Sumulat siya ayon sa sinabi ng kanyang asawa.

*

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Kwintas - ni Guy de Maupassant, Bahagi 4

Dumating ang araw ng piging. Naging matagumpay si Aling Loisel. Mas maganda siya kaysa ibang babae, elegante, mabait, nakangiti, at puno ng ...