Huwebes, Hulyo 16, 2026

Ang Makata at ang Magsasaka, ni O. Henry - Bahagi 1

Ang Makata at ang Magsasaka
ni O. Henry

Noong isang araw, isang kaibigan kong makata, na namuhay nang malapit sa kalikasan sa buong buhay niya, ay sumulat ng isang tula at dinala ito sa isang patnugot.

Hinggil iyon sa buhay sa kabukiran, puno ng tunay na hininga ng mga bukid, huni ng mga ibon, at kaaya-ayang lagaslas ng mga umaagos na sapa.

Nang muling tumawag ang makata upang kumustahin iyon, na may pag-asa sa isang hapunang bistek sa kanyang puso, ibinalik iyon sa kanya kasama ang komentong:

"Masyadong artipisyal."

Ilan sa amin ay nagkita-kita habang kumakain ng spaghetti sa Dutchess County chianti, at nilunok ang ngitngit gamit ang madulas na tinidor.

At doon ay naghukay kami ng hukay para sa patnugot. Kasama namin si Conant, isang mahusay na mangangathang isip - isang taong nakatapak na sa aspalto sa buong buhay niya, at hindi pa nakakakita ng mga eksenang bukirin maliban sa mga pakiramdam ng pagkasuklam mula sa mga bintana ng mga mabibilis na tren.

Sumulat si Conant ng isang tula at pinamagatan itong "Ang Usa at ang Batis." Isa itong magandang halimbawa ng uri ng akda na aasahan mo mula sa isang makatang naligaw kasama ang Amarilis hanggang sa mga bintana lamang ng mga nagtitinda ng bulaklak, at ang tanging talakayan tungkol sa pag-aaral ng mga ibon na isinagawa kasama ang isang weyter. Nilagdaan ni Conant ang tulang ito, at ipinadala namin ito sa parehong patnugot.

Ngunit wala itong gaanong kinalaman sa kwento.

Habang binabasa ng patnugot ang unang taludtod ng tula, kinabukasan, isang nilalang ang natisod mula sa isng bangka sa Kanluraning Aplaya, at dahan-dahang tumakbo sa Ikaapatnapu't dalawang Kalsada.

Ang mananakop ay isang binatang may mapusyaw na mga matang bughaw, nakalaylay na labi at buhok na saktong kakulay ng sa maliit na ulila (na kalaunan ay natuklasang anak ng lakan) sa isa sa mga dula ni G. Blaney. Ang kanyang pantalon ay kulduroy, ang kanyang amerikana'y maikli ang manggas, na may mga butones sa gitnang likuran. Isang pekeng damit ang nasa labas ng mga kulduroy. May pag-asam, bagama't walang saysay, ang iyong pagtingin sa kanyang sumbrerong dayami na may butas sa bandang tainga, ang hugis nito'y aakalaing ninakaw mula sa isang dating may-ari ng kabayo. Sa kanyang kamay ay may  maleta - ang paglalarawan nito'y isang imposibleng gawain; ang isang taga-Boston ay hindi magdadala ng kanyang pananghalian at mga aklat sa batas papunta sa kanyang opisina gamit iyon. At sa itaas ng isang tainga, sa kanyang buhok, ay isang piraso ng dayami - ang sulat ng kredito ng taganayon, ang kanyang tsapa ng kawalang-kasalanan, ang huling nakakapit na haplos ng Hardin ng Eden na naghihintay upang ipahiya ang mga taong gawa sa gintong ladrilyo.

Nakangiti't batid niyang dinadaa-daanan siya ng mga tao sa lungsod. Nakita nila ang matandang estranghero na nakatayo sa alulod at iniunat ang kanyang leeg sa matataas na gusali. Dahil doon, tumigil sila sa pagngiti, at kahit tingnan siya. Madalas na itong ginagawa. Ilan ang sumulyap sa antigong maleta upang makita kung anong "pang-akit" o tatak ng babol gam ang maaaring humihiyaw sa kanyang alaala. Ngunit halos hindi siya pinansin. Maging ang mga tagapagbalita ay mukhang inip na nang tumakbo siyang parang isang payaso sa daanan ng mga taksi at mga sasakyan sa kalye.

Sa Kalye Ikawalo ay nakatayo si "Bunco Harry," na may tinina niyang bigote at kumikinang na magagandang mata. Napakagaling ni Harry bilang artista upang hindi masaktan sa nakikitang aktor na sumosobra sa kanyang papel. Lumapit siya sa taganayon, na humintong buksan ang bibig sa bintana ng isang tindahan ng alahas, at umiling.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ang Makata at ang Magsasaka, ni O. Henry - Bahagi 1

Ang Makata at ang Magsasaka ni O. Henry Noong isang araw, isang kaibigan kong makata, na namuhay nang malapit sa kalikasan sa buong buhay ni...