Huwebes, Hulyo 27, 2023

Salin ng Code of Ethics ng RoN

Saksi ang panahon sa pag-abuso ng mga tao sa kasaganahan ng sangnilikha. Tayo'y mga ganid at walang kabusugan. Madalas na hindi natin batid kung hanggang kailan ba upang masabing sapat. Dinala tayo ng hindi mapawi nating pagkauhaw tungo sa isang namamatay na planeta - isang planetang umaapaw sa basura, polusyon at pagkawala ng buhay.

Laging may panahon. Sakali mang huli na, maaari pa rin nating baligtarin ang kalagayan. Ang kapisanang Rights of Nature ay isang lantad, hindi marahas, nagtutulungan at sama-samang pamayanang may matibay na pagtaya sa iisang mithiin - ang kilalanin at itaguyod ang Rights of Nature o Mga Karapatan ng Kalikasan.

Upang matiyak na ating naipagtatanggol at napapalago ang mga natitira pang tagapangalaga ng kalikasan, sinumang nagnanais sumali sa Kapisanang Rights of Nature ay dapat mangakong tatalima sa Alituntunin ng Kagandahang Asal nito. Ang panunumpa ng buong katapatan sa nasabing kagandahang asal ay magtitiyak na  malinaw na naitataguyod ang mga prinsipyo at kahalagahan ng kapisanan.

Alituntunin ng Kagandahang Asal para sa mga tagapagtaguyod ng Mga Karapatan ng Kalikasan

1. Paggalang sa Kalikasan: Kikilalanin ko at igagalang ang katutubong kahalagahan at karapatan ng kalikasan, nang malaya sa kapakinabangan nito sa mga tao.

2. Di-Marahas: Itataguyod ko ang di-marahas at mapayapang pamamaraan ng pagprotekta at pagtatanggol sa mga karapatan ng kalikasan, at tututulan ang anumang anyo ng karahasan, pananalakay, o pangwawasak.

3. Sustenabilidad: Pagsisikapan kong itaguyod ang mga sustenableng kinagawian na sumusuporta sa kapakanan ng kalikasan, pati na sa pamayanan ng mga taong umaasa rito, sa pangmatagalan.

4. Pakikipagtulungan: Aktibo kong hahanapin at makikipag-ugnayan sa mga indibidwal, komunidad, at samahang may kaparehong pagtaya sa Mga Karapatan ng Kalikasan at makikipagtulungan tungo sa pagkamit ng ating mga ibinahagi at parehong mithiin.

5. Kalinawan: Isasagawa ko ang aking gawaing adbokasiya sa isang lantad, tapat, at malinaw na paraan, maliwanag at totoo ang pakikipag-usap hinggil sa mga isyung aking pinagtutuunan at sa mga kalutasang aking isinasagawa kapwa sa konsepto at pananalapi.

6. Pananagutan: Pananagutan ko ang aking sarili para sa aking mga ginagawa, kapasiyahan, at pagtaya, at mananagot para sa anumang pinsalang dulot ng aking mga ginawa o hindi ginawa. Magiging bukas ako sa puna at patuloy na titiyakin na ang aking pakikitungo ay batay sa prinsipyo ng kapisanan.

7. Patuloy na Pag-aaral: Patuloy kong pag-aaralan ang mga prinsipyo at kahalagahan ng Mga Karapatan ng Kalikasan, gayundin ang mga isyung pangkapaligiran, panlipunan, at pang-ekonomiya na nakakaapekto sa kalikasan at pamayanan ng mga tao. Magiging bukas ako at ibabahagi ang aking mga natutunan sa kapisanan at magiging bukas na matuto pa sa aking mga kasama sa kapisanan.

8. Personal na Integridad: Kikilos ako nang may integridad at paninindigan ang mga pamantayang etikal sa lahat ng aspeto ng aking personal at propesyonal na trabaho lalo na sa aking gawaing adbokasiya, kabilang ang pag-iwas sa mga salungatan ng interes, pagpapanatili ng pagiging kumpidensyal, at pagtrato sa lahat ng indibidwal nang may paggalang at dignidad. Isasabuhay ko ang "Pamumuhay ng Sapat" bilang sukatan ng aking integridad at pagtaya, na masinsinang sinusukat ang lahat ng aspeto ng aking pang-araw-araw na pagkonsumo upang maging sapat lamang at di na hihigit pa.

Sa araw na ito ng ______, tumataya ako sa Alituntuning ito na itaguyod ang mga prinsipyo at halaga ng Mga Karapatan ng Kalikasan, at mag-ambag tungo sa mas makatarungan, sustenable, at pantay na kinabukasan para sa lahat ng nilalang sa planetang ito.

* Ilang pahayag sa pagsasalin:
(1) Hindi natin verbatim na ginamit ang Kodigo bilang salin ng Code, dahil sa sikat na konotasyong pangongopya sa pagsusulit ang kodigo. Mas ginamit natin ang Alituntunin, na mas malapit na salin ng Code, upang mapag-iba sa kodigo.
(2) Ang Ethics, imbes na Etika o alituntunin ng moralidad, ay Kagandahang Asal, upang mas maipatimo ang nais na layunin.
(3) Ang Movement o Kilusan ay isinalin ko sa Kapisanan upang mapag-iba sa popular na katawagang Kilusan, na madalas tumutukoy sa ibang grupong may ibang layunin.

Biyernes, Hulyo 14, 2023

Kwento - Isalin ng KWF sa sariling wika ang mga batas upang madaling maunawaan ng masa


ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MADALING MAUNAWAAN NG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa korte ang ilang lider-maralita at doon ay ipinagtatanggol nila ang kanilang paninirahan sa lupang ilang dekada na nilang tahanan.

Nagkaroon kasi ng maling interpretasyon sa pagkakasalin ng blighted land, na ayon sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992, sa Section 3, Definition of Terms, na ang nakasulat: “(c) “Blighted lands” refers to the areas where the structures are dilapidated, obsolete and unsanitary, tending to depreciate the value of the land and prevent normal development and use of the area.” 

Naisalin naman ang iyon sa ganito: “c) Tinutukoy na “blighted lands” yaong mga lugar na kung saan ang mga nagpapababa sa halaga ng lupa at humahadlang sa normal na paggamit at pagpapaunlad ng nasabing lugar.” Makikita ang nasabing pagkakasalin sa kawing na https://pagbangon.blogspot.com/2009/11/udha-tagalog-version.html. 

“Nang maisabatas ang UDHA, o iyang Lina Law, ay agad naming ipinasalin kay Pareng Inggo, na isang makata, ang batas na iyan,” sabi ni Igme, “upang mas madaling maunawaan ng mga kasapi ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Dulong Tulay, na naisalin naman niya. Pinaunlad namin ang lugar na iyan nang itinapon kami sa relokasyong iyan, na wala pang kabahayan. Kami ang naghawan ng damo, nagpatong ng mga bato at matayuan ng bahay, hanggang maging maunlad na ngayon.”

Subalit tugon ng hukom, “Hindi naman opisyal na tagasalin ng batas iyang si Inggo, kundi pagtingin lang niya iyan. Kaya ang ginagamit sa inyo ay itong batas na nakasulat sa Ingles. Diyan ang aming batayan paano talaga ma-interpret ang batas. Dahil tila mali ang pagkasalin niya sa nasabing seksyon ng batas. Sa Merriam Webster, ang bighted ay ": in a badly damaged or deteriorated condition." Ibig sabihin, lupaing malubhang nasira o lumalalang kondisyon. Ang inokupa ninyo ay hindi blighted land."

Umuwing luhaan ang mga maralita. Pakiramdam nila’y tuluyan na silang mapapaalis sa lugar na kaytagal na panahon nilang pinaunlad.

Hanggang sinabi ni Mang Igme, na siyang namumuno sa samahan, “Dapat pala, may opisyal na tagasalin ang mga batas ng bansa. Tayo kasi ang bansang ang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles habang nagsasalita tayo sa sariling wika sa araw-araw, kaya hindi nakasanayang magsalita ng Ingles. Naisahan tayo sa kamaliang di natin kasalanan. Nais lang naman nating maunawaan ang batas na tatamaan tayo.”

Nagmungkahi si Isay, “Dapat mag-lobby tayo ng batas na may ahensya ng pamahalaan na italagang tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, at mungkahi ko ay kumausap tayo ng mga kongresista o senador na lilikha ng batas na itatalaga, halimbawa, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensya sa wika ng ating bansa, na siyang italagang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa Tagalog man, Bisaya, o iba pang wika sa Pilipinas. Kung tatamaan ay katutubo, tulad ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA, aba’y dapat isalin iyan sa wikang katutubo, upang hindi naman madehado tayong mamamayan. Di tulad sa nangyari sa atin. Dahil sa maling salin, ayon sa korte, eto, mukhang mawawalan tayo ng tahanan.”

Sumagot si Ingrid, “Paano po natin sisimulan iyan, aling Isay. May karanasan na po ba kayo sa, ano ‘yun, magpasa ng batas para sa mga senador o kongresista.”

“Pagla-lobby. Magla-lobby tayo ng batas sa mga kongresman at senador, na gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa ang KWF o Komisyon sa Wikang Filipino. Ang una nating gawin ay lumiham sa kanila at ipaliwanag ang naging karanasan natin sa korte, at imungkahi nating upang di maulit sa iba ang ating karanasan, ay isabatas nila na gawing opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil sila naman ang ahensyang pangwika ng pamahalaan.”

“Maganda po ang suhestyon n’yo. Sana’y maumpisahan na agad. Tutulong po kami sa pagdadala ng mga liham sa Kongreso at Senado, habang magbabantay ang iba nating kapitbahayan upang ipagtanggol ang ating mga tahanan kung sakaling may banta na ng demolisyon.”

Si Mang Igme, “Salamat sa malasakit, mga kasama. Simulan na nating gumawa ng liham upang maging batas iyan. Kung di tayo kikilos, kailan pa? Simulan natin upang may maitulong tayo sa kapwa maralita.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 9, 2023

KWF, gawing opisyal na tagasalin ng batas

KWF, GAWING OPISYAL NA TAGASALIN NG BATAS

gawing opisyal na tagasalin ng batas
ang ahensyang pangwika, at dapat iatas
doon sa Komisyon sa Wikang Filipino
mga batas sa Ingles, isa-Filipino

upang di maagrabyado ang mga dukha,
pesante, vendor, katutubo, manggagawa,
mangingisda, kababaihan, kabataan
bawat batas na apektado'y mamamayan

halimbawa na lamang ang UDHA at IPRA
na nasa Ingles, di maunawa ng masa
kung isinalin iyan sa wikang sarili
madaling maunawa, sa masa'y may silbi

dapat maisulat ang panukalang ito
at mapag-usapan sa Kongreso't Senado
lagdaan ng Pangulo upang maging batas
daan ito upang lipuna’y maging patas

- gregoriovbituinjr.
07.09.2023

* UDHA - Urban Development and Housing Act of 1992, Republic Act No. 7279
*IPRA - Indigenous Peoples' Rights Act of 1997, Republic Act No. 8371

Sa pangungulila, ako'y naghihintay (salin)

SA PANGUNGULILA, AKO'Y NAGHIHINTAY Nakita ko ang Igorot version ng awiting  "In Grief I'm Waiting"  sa isa pang songbook n...