Liham ni Lean Alejandro sa kanyang propesor
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 Marso 1985
Camp Ipil Reception Center
Fort Bonifacio
Dr. Rita Estrada
Professor
Psycology Department
Minamahal kong Ma'am,
Kumusta po kayo? Umaasa akong kayo'y nasa mabuting kalagayan. Si JV ay nagpapaabot din ng mainit na pagbati.
Maraming salamat po sa inyong pag-aalala. Hindi nyo lang alam kung gaano ako kasaya na makarinig ng mula sa inyo. Hindi man kailangang sabihin, nami-miss ko nang tunay ang ating mga talakayan.
Kami ni JV ay maayos naman ang kalagayan sa kabila ng mga pangyayari. Sinusubukan naming gamitin ng wasto ang panahon namin sa piitan. Nagpapahinga kami at nag-eehersisyo upang nasa kondisyon ang aming katawan upang makasama sa pakikibaka pag kami'y nakalaya na. Pinayagan kami ng mga awtoridad sa kampo na magdala ng ilang kagamitan. Ito'y tunay na katanggap-tanggap dahil nang wala pang refrigerator, maraming pagkain ang napapanis. Alam po ninyo, maraming tao ang napakamapagbigay at patuloy kaming binibigyan ng pagkain. Nakakakain lang kami ng sapat at halos yaong mga natira'y napapanis. Minsan, hindi ko maatim na nakatayo lang doon at panooring napapanis ang mga iyon kaya kinakain ko ang mga iyon hanggang sa makakaya. Kadalasan, hindi naman ako natutunawan. Ayokong magtapon ng maayos pang pagkain.
Ang kalagayan namin dito ay tulad ng pagkabihag ng isang pangkat ng mga kabataang may kasalanan na may mga baril. Sa gayong bagay, ang ating bansa ay pinipigilan ng isang pangkat ng mga nagbibinatang terorista. Di man sabihin, ito'y hindi makatuwiran.
Dito sa loob, araw-araw kaming nakalantad sa pakikipag-ugnayan sa militar. At sasabihin ko sa inyong ang militar bilang isang institusyon ay nagdurusa sa isang matindi at di na maisasaayos na pagkabaliw. Ang institusyong militar ay tiwali, hangal, lihis at mapag-aksaya. Ito ay masama at nabubulok sa pinakaugat nito -- sa pinakahuling kawan, sa pinakahuling detalye. Hindi ito maisasaayos mula sa loob. Hindi ito makukunsensya mula sa labas dahil wala itong budhing dapat nating "ayusin".
Araw-araw, hinahamak ng diktadurang ito ang ating mamamayan. Inilalagay nito ang ating mamamayan sa hindi makataong kalagayan, pagkakait, at kamatayan. Dapat natin itong ibagsak at lahat ng mga institusyong nakapaloob dito. Subalit huwag nating gamitin ang malupit at barbarikong pamamaraan ng dahas. Hindi ko sinasabing huwag tayong lumaban. Sa kabila niyon, palagay ko'y dapat tayong lumaban. At may karapatan tayong lumaban. Ngunit, kung lalaban tayo, lumaban tayo tulad ng mga tao, hindi tulad ng mga aso o daga.
Dapat nating ipaghiganti ang mga namatay at mga naghihingalong biktima ng diktadura nang walang pasubali subalit makakatulong sa atin na tandaan ang mga pananalita ni Gandalf nang kanyang sinabi -- 'Maraming nabuhay na dapat mamatay. At ang ilang namatay ay dapat magkaroon ng buhay. Maibibigay mo ba ito sa kanila? Kung gayon huwag magmadaling magpataw ng kamatayan bilang kahatulan.'
Dapat nating ibagsak ang diktadura dahil dapat lang. Dapat nating wakasan na ang karahasan sa anumang paraan dahil nais natin ng kapayapaan. Dapat nating ibagsak ang diktador upang wala nang diktador pang babangon muli at ang paniniil ay maibagsak nang tuluyan. At pag nakuha na ng amamayan ang kapangyarihan sa kanilang mga kamay, dapat nilang gamitin ito ng makatwiran, may awa at pang-unawa. Sa gayon ang bagong kapangyarihan ay may pagkakataong tumindig sa kalagayang hindi na tiwali ang kanilang pamumuno.
Pagpasensyahan po ang mga halu-halong puntong ito. Ngunit sa palagay ko, kung mayroon mang naituro ang aming pagkapiit, ito'y ang aral na ang buhay ng tao at ang kalayaan ng tao ay hindi dapat tratuhing napakamura at mapanlait tulad ng pagtrato ngayon.
May pagkakataon akong muling madalaw ang Beteriand. Nagaganap na ang War of the Rings. Hindi na nakasama ng Kompanya si Gandalf dahil nawala na ito sa Moria. At mahaba-haba pa ang lalakbayin. Iyon ay isang paglalakbay na nasa malawak na antas. At natutuwa akong ito'y isang pakikipagsapalarang kapwa natin tinatahak, kasama ng lahat ng Malayang Mamamayan ng Middle Earth.
Subalit sa kabila ng kaluwalhatian ng Ikatlong Edad, nakatitiyak akong sinasang-ayunan nyo ako pag sinabi kong ang pinakamalaking paglalakbay natin sa daigdig na ito ay ang ating pakikibaka para sa kalayaan. Ang mga pasakit at sakripisyo'y nakalilito. Makasaysayan ang mga labanan. At tunay na magiging dakila ang tagumpay.
Natutuwa akong kapwa natin tinatahak ang malaking pakikipagsapalarang ito. At nakatitiyak akong malalampasan natin ang Panginoon ng Dilim ng ating panahon, kasama ang lahat ng Pilipinong mapagmahal sa kalayaan sa ating bayan. Pag natapos na ang lahat ng ito, ang pagbabahagi ng mga kwento ay tiyak magkakaroon ng maraming bilang ng pag-ukol at pag-awit. Para sa ating mga anak at kaapu-apuhan.
'Nais kong di na iyo nangyari sa aking panahon', sabi ni Frodo.
'Gayon din ako,' sabi ni Gandalf, 'at ng lahat ng nabuhay na makita ang gayong panahon. Subalit hindi para sa kanila ang pagpapasiya. Ang dapat nating pagpasiyahan ay kung anong dapat nating gawin sa panahong ibinigay sa atin.'
Maraming salamat muli. Umaasa ako na makita kayo sa lalong madaling panahon. At pag lahat ng ito ay natapos na, umaasa akong matamasa na natin ang payapang gabi ng kwento at mga awit, hinggil sa Ikatlong Edad at hinggil sa ating panahon.
Sumasainyo ng buong katapatan,
Lean L. Alejandro
Kapwa Manlalakbay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento