Sabado, Oktubre 3, 2015

Salin ng polyeto ng Reclaim Power

Pagbawi ang Kapangyarihan, Pagbubuo ng Momentum,
Pagbabago ng Sistema sa Enerhiya

Sa Oktubre 9 at 10, ang mga kilusan sa iba't ibang panig ng daigdig ay mananawagan muli upang Bawiin ang Kapangyarihan!

Ipinagkakait ng kasalukuyang sistema sa enerhiya sa halos dalawang bilyong katao ang pagkakamit ng sapat na enerhiya para sa kanilang batayang pangangailangan, at nagdudulot ito ng pinsala sa taumbayan at sa planeta. Ang pagsusunog ng mga gatong na fossil para sa sektor ng enerhiya ang pinakamalaki, pinakamabilis na lumalagong tagapag-ambag sa nagbabagong klima. Pinipinsala ng nagbabagong klima ang ating sistema ng pagkain, ang pinagkukunan natin ng tubig, ang ating karagatan at nagdudulot ng mas madalas at matinding kaganapan ng panahon na nakasisira ng ating mga tahanan, mga kabuhayan at mga pamayanan.

Halina't sumama sa matagalang pakikibaka upang pigilan ang marurumi at nakapipinsalang enerhiya! Ang mga industriya ng karbon, langis at gas ay itinataboy ang mga pamayanan, dinudumihan ang lupa, tubig at hangin, nagdudulot ng pagkakasakit, at nagwawasak ng kabuhayan. Nagpakita na rin ng matinding nakawawasak na epekto ang mga hydraulic fracturing o "fracking" na nagmamaksimisa sa pagkuha ng mga gatong na fossil.

Pigilan ang mga maling solusyon sa enerhiya sa nagbabagong klima! Hindi lamang mga enerhiya mula sa gatong na fossil ang mga maruruming enerhiya. Kasama na rito ang mga maling solusyon sa krisis sa klima tulad ng agresibong produksyon ng malalaking antas ng agro-fuel habang isinasakripisyo ang pagkain at kabuhayan, mga malalaking saplad (mega-dams) at mga proyektong hydro na gabnap na sumisira sa ekosistema at pamayanan, mapanganib na kuryenteng nukleyar, at ang nakalalasong pagsusunog ng basura para sa enerhiya.

Paigtingin ang mga pagkilos para sa mabilis at makatuwirang pagbabago ng ating sistema sa enerhiya upang tiyakin ang karapatan ng mamamayan sa malinis at nagpapanumbalik na enerhiya at pigilan ang maling sakunang dulot ng klima! Ang ating pakikibaka ay bumabagtas sa mga kontinente at kultura. Lumalaban tayo upang mapigilan ang mga enerhiyang marurumi at nakapipinsala. Lumalaban tayo para sa mabilis at makatuwirang pagbabago tungo sa pampubliko at pampamayanang pagkontrol sa sistema ng enerhiyang nagpapanumbalik. Lumalaban tayo sa iba't ibang anyo at prente, ipinagdiriwang ang samutsaring pakikibaka at ang lakas ng ating nagkakaisang pagkilos.

Sa Oktubre 9 at 10, halina't magmobilisa tayo sa lahat ng mga bansa para sa makapangyarihang pagpapahayag ng pandaigdigang pagkakaisa para sa pagbabago sa ating enerhiya at sistemang pang-ekonomiya!


ANG ATING MGA KAHILINGAN
- Ipagbawal ang mga bagong maruruming proyektong enerhiya.

- Wakasan ang subsidyo at donasyon ng gobyerno sa maruruming enerhiya.

- Umalis sa mga korporasyon ng mga gatong na fuel.

- Tiyakin ang pangkalahatang pagkukunan ng enerhiya.

- Pigilan ang labis na pagkonsumo ng enerhiya ng mga korporasyon at mga pinuno ng daigdig.


- Mabilis at makatuwirang pagbabago sa mga pampubliko at pampamayanang organisasyon para sa nagpapanumbalik na enerhiya.

Salin ng tula ni Charlie Chaplin

SALIN NG TULA NI CHARLIE CHAPLIN Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Nilason ng kasakiman ang diwa ng tao, na binarikadahan ng poot ang...