ANG U.P. AT SI LEAN ALEJANDRO:
Pagwawasto sa kawalang-katarungan sa ating pinanahanan
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Eulohiya ni P.N. Abinales sa pagkakapaslang kay Lean Alejandro, pangkalahatang kalihim ng BAYAN)
Ang mga kasapi ng pakuldad na magbubuklat sa transcript of records ni Lean Alejandro ay maaaring manlumong matuklasang hindi niya nakumpleto ang kanyang mga rekisitong pang-akademiko. Kaya madaling ipagpalagay ng iba na sinundan niya ang rutang tinungo ng maraming aktibista ng Pamantasang ito: na nagtapos na nagbabanal-banalang bagsak. Hindi natapos ni Lean ang kanyang degri sa Philippine studies at piniling pansamantalang iwan ang akademya upang ipagpatuloy ang iba pang antas ng paglilingkod sa sambayanan at makibaka para sa kanilang paglaya. Bukod sa inaming niyang hindi niya lubos-maisip na gagawin niya ang dalawang taon ng pagsasanay-militar sa ilalim ng programang CMT na karaniwang sinasalamin ang militarisasyon ng lipunan.
Ganunpaman, sa mga nakakakilala kay Lean, alam nilang hindi siya angkop sa karaniwang paniwala hinggil sa kapanabayang aktibistang estudyante. Sa kanyang sariling pananaw, siya ang magandang halimbawa ng iskolar sa tradisyon ng UP. Nakatrabaho ko siya sa Third World Studies Center at nakasama sa kwarto sa Narra Residence Hall ng mahigit tatlong taon, maaari kong patunayan ang kanyang intelektwal na pagsisikap na itinakda niya sa sarili upang mas masuri niya ang lipunang dapat niyang baguhin.
Hindi tulad ng mga estudyante't akademiko na nakaupong kuntento na sa karaniwan, nais ni Lean na sumunod sa batayang tradisyon ng UP hinggil sa kahusayan at kritikal na pag-iisip. Sa kabila ng mga hinihingi ng kanyang pampulitikang gawain, palagi siyang malay sa katotohanang ang parehong pag-aaral ng akaemiko at pulitika ay nangangailangan ng pagsisikap mula sa mga patuloy na kumikilos. Habang ang ilang intelektwal sa Pamantasan ay ayaw nang magbasa ng lampas kina Marx o Lenin, pinasok ni Lean ang isang programa ng pagbabasa na magpapakilala sa kanya sa patuloy na pagbabago ng Marxistang tradisyon matapos si Marx. Pinagbuhusan niya ng panahong basahin ang anumang bagong aklat sa Marxismo na naroroon sa Thir World Studies, naghahanda ng mahahabang sulatin ng pagsusuri sa bawat isa at ikumpara ang mga ito sa anumang matagumpay na pagsisiyasat o anumang pagbabagong nagawa ng mga bagong akdang ito sa lumalagong tradisyon ng Marxistang intelektwal. Inihanda din niya ang kanyang sariling adyenda sa pananaliksik, una sa lahat ang kanyang layuning pag-aralan ang makasaysayang pagsulong ng kilusang estudyante sa Pilipinas upang matukoy ang ambag nito sa mas malawak na pakikibaka para sa nasyunalismo at demokrasya. At sa pagitan nito, gagawin niya ang mga intelektuwal na tirang pabalang-balang sa mga anti-Marxista na kritiko tulad ng labis na kinikilalang prayle ng Opus Dei na si Joseph De Torre, na ininsulto maging ang mga anti-Marxistang tradisyon sa pamamagitan ng hindi pagtupad sa isang batayang pamamaraan sa pananaliksik: ang alamin muna kung ano ang nais mong pabulaanan bago isulat ang iyong "kritisismo".
Sa lahat ng ito, patuloy siyang ginagabayan ng dalawa sa pangunahing pahayag ni Marx: ang magsagawa ng isang "walang habas na kritisismo ng lahat ng umiiral" at laging malay na sa pakikibaka, " "kamangmangan ay hindi pa nakatulong sa sinuman". Lubos niyang naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng isang mag-aaral ng UP at isang iskolar ng mga tao. Lubos niyang pinahahalagahan ang kanyang mga taon sa UP at pinapangarap na isang araw, kapag natapos na ang pakikibaka, nais niyang bumalik sa kanyang unang pag-ibig at kinakasama, ang pamantasan.
Sa ilang pagkakataong nagkita kami matapos siyang lumisan sa UP, pagninilayan ni Lean ang mga bagay na naaalala niya sa akademya. Nababahala siya na hindi niya magagawang makumpleto ang adyenda ng pananaliksik na nasa isip niya. Lagi niyang itinatanong ang kalagayan ng aklatan ng pamantasan, at kung, sa hinaharap, ay bumalik siya sa mga inaagiw na sulok ng mga arkibo upang ipagpatuloy ang kanyang pananaliksik. Nakaliban din siya sa mga klaseng nais niyang pasukan, lalo na ang kanyang unang kurso, ang Chemistry, panitikan, at ang mga dayuhang wika (nais niyang magpatala sa mga kurso ng wikang Aleman at Ruso upang mabasa niya sina Marx at Lenin, sa orihinal nitong wika). Mas mahalaga, hindi niya nakausap ang mga magagaling na utak ng pakuldad ng UP, nakikipagtalakayan sa mga ito hinggil sa pinakabago sa panitikan, pulitika, at maging ang daigdig ng pantasya ni J.R.R. Tolkien sa pagitan ng pag-inom ng murang kape sa kantina ng FC o sa pagitan ng mga bote ng Scotch kina Dodong Nemenzo.
May pananaw sa UP si Lean matapos ang pambansang kasarinlan. Bagamat ang mga radikal na ortodoks, pag umakyat na sa kapangyarihan, ay katatakutan na babaguhin nila ang mga institusyon ng mataas na pag-aaral upang tumalima sa pangangailangan ng panahon, ikinikintal ni Lean sa akin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng UP bilang kanlungan ng kritikal at karampatang pag-iisip. Lagi niyang sinasabi na matapos ang rebolusyon, dapat gawin ng Estado ang lahat upang manatili ang mga magagaling na utak sa UP - mula sa mga konserbatibo,liberl, hanggang sa mga ortodoks at mga radikal na erehe - at tulungan silang ipagpatuloy ang ibig nilang gawin: magturo, magsaliksik, magtalakayan, at magdebate. Halimbawa, bagamat hindi tayo sang-ayon sa mga paggalugad na teyoretikal ni Prof. Agpalo, nakita niya ang kahalagahan ng pananatili ng mga liberal na tulad ni Agpalo sa Pamantasan. "Paano bang tayong mga radikal sa akademya ay higit pang matatalos ang ating radikalismo kung hindi sa pamamagitan ng isang matinding debate sa mga tulad ni Agpalo, at katulad pa niya?", ang minsang sinabi niya isang gabi. Ipinahayag rin niya ang pagkamatuwain sa mga sikat at hindi kilalang kauratan sa UP, umaasang balang araw ay babalik sila upang ibahagi ang kanilang mga pambihirang ideya sa mga kasamahan sa trabaho at sa mga estudyante na lahat ay sa ngalan ng "mataas na karunungan". Naniniwala si Lean na matapos ang ganap na paglaya ng sambayanan, ang pakuldad at mga estudyante ng UP ay makahulugang tutungo na ngayon sa pagtupad sa mga layunin ng Pamantasan nang hindi na nabibigatan dahil sa mga "pribadong katampalasanan" tulad ng mababang sahod at kapos na pasilidad.
Lagi niyang idinadaing ang ginawa ng diktadurang Marcos sa UP; ang pagbagsak sa akademikong kalayaan nito sa pamamagitan ng pagbawas ng badyet at sa pamamagitan ng tago at lantarang banta ng panunupil, pagsira sa integridad ng mga guro nito na ginagawa ang mga itong akademikong mersenaryo, tagapagsulat ng iba at mga nagpuputa sa kaisipan at pinipigilan ang mga ideya na kritikal sa status quo at may kakayahang palawakin ang imahinasyon ng mga mang-aaral at guro mula sa pagsisimula nito sa akademya. Ipinangako niya na ang hindi mangyayari ang ganito sa alternatibong lipunang kanyang itinataguyod.
Ibinabahagi ko ang mga pribadong kaisipang ito ni Lean hindi lamang upang ipakita sa inyo na marami pa siyang talento kaysa ang pagkilala sa kanya bilang kilala sa pulitika na nababasa natin sa mga pahayagan o napapakinggan sa mga panayam at malalaking pagkilos. Isa rin siyang masugod na panatiko ng mga ideya at prinsipyo ng Pamantasan. Sa kanyang kamatayan, maaaring hindi niya direktang ibinahagi ang mensahe na sa pangyayaring ito, nagiging mahalaga sa atin ito upang sariwain ang tradisyon ng UP ng kahusayan at kritikal na pag-iisip at masigla itong ipagtanggol laban sa mga pagsisikap sa na wasakin ito sa hinaharap.
Sa ilang panahon, nagbigay ang Pamantasang ito ng honorary doctorates sa mga kasuklam-suklam na nilalang tulad ni Imelda Marcos. Pumayag ito sa mga sumpong at kapritso ng mga makapangyarihan sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga propesor at akademiko na itinaas ng ranggo dahil sa mga pampanguluhang dekreto at atas-ehekutibo, at pinayagan din nito ang pinakamasamang akademiko na maging mga sikat dahil sa ilang mga pasalitang saloobin at mga paksang hindi naman nila seryosong pinag-aralan. Iniisip kong ang mga panahon ng krisis tulad ng kinakaharap natin ngayon ay isang kanais-nais na sandali para sa UP upang itama ang maraming inhustisya sa ating pananahanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng nararapat na pagkilala sa mga tumindi para sa tradisyon nito. Marami sa mga magagaling at matatalino ng UP ay nananatiling hindi kinikilala at hindi pinahalagahan ang kanilang mga gawa kung dahil lamang tinanggihan nilang habulin ang papel na tinatawag na diploma o huwag pansinin ang marami sa mga pormal na pre-rekisitong pang-akademiko na hindi kinakailangang sumalamin sa kaalaman o katalinuhan.
Kung gagawin natin ito, sa tingin ko, isang maliit na bahagi ng paghahanap ng pagbibigay-katarungan kay Lean Alejandro ay naganap na.