PAHAYAG NG
PAGKAKAISA NG #BLOCK MARCOS:
HARANGIN ANG DIKTADURA,
BAGUHIN ANG SISTEMA!
Nakatindig tayo ngayon sa isang mapanganib na
sangandaan.
Si Rodrigo Duterte, na aminadong tagahanga ng
namayapang diktador na si Ferdinand Marcos, ang siya nang nakaupong Pangulo.
Maaaring sa huli’y maging kahalili ni Duterte ang mismong anak na lalaki ng
diktador. Maraming kinakikitaan ng mapanganib na saloobin sa diktadura ang
nagpapatakbo ngayon ng pamahalaan.
Ang inaakala ng maraming hindi na mangyayari pang muli
– marami sa ating nagsasabing hindi natin pahihintulutang mangyari ito muli –
ay bumubukadkad sa atin mismong mga mata.
Hindi lamang paulit-ulit na nagbabanta si Duterte
na ipapataw ang Batas Militar, sadyang sinimulan na niya ang mga hakbangin na
maaaring tumungo sa diktadura – o maging sa pasistang pamumuno.
Ipinataw niya’t ayaw bawiin ang isang “state of
national emergency”; siya at ang kanyang mga alyado sa Kongreso ay nag-aapura
sa pamamagitan ng panukalang muling ipatupad ang parusang bitay at ibaba pa ang
minimum na edad ng pananagutan sa krimen; nanawagan siya ng pagsuspinde sa writ
of habeas corpus at ang pagrepaso sa anti-wire tapping law; at siya at ang iba
pa ay nagpapanukala ng iba pang ‘kinakailangang’ kautusang pandisipina na
yumurak sa ating kalayaan at maglatag pa ng daan tungo sa mas matitinding
panuntunang ala-Marcos.
Itinataguyod niya ang isang mabalasik na “digmaan
laban sa droga” na di lamang tumungo sa di-mapigilang pagpaslang ng higit sa
pitong libong (7,000+) katao at malawakang
paglabag sa karapatang pantao, kundi pinalambot nito ang lupa sa paggamit ng
karahasan ng estado laban sa sinumang itinuturing na ‘kaaway ng mamamayan’.
Ipinapalagay niya ang loob ng (Kinokondisyon niya
ang) publiko upang suportahan ang diktadura nang pinayagan niyang malibing si
Marcos sa libingang para sa “bayani” sa pagsasabing hindi naman “napatunayan”
ang mga kasalanan ni Marcos. At tinitipon niya, kasama ang kanyang mga
kaalyado, ang kapangyarihan sa kanilang mga kamay at nagbubuo ng mga kilusan/samahan
sa antas-barangay, ang Kilusang Pagbabago, na inaadhika’y ang mabakuran at
maggamit ang mga lehitimong karaingan ng mga inaapi upang mapakilos ang bayan
upang ipagtanggol ang rehimen.
Nangako siya ng kaunlaran at ipinakilala ang sarili
bilang kalaban ng oligarkiya na magpapalaya sa bayan mula sa kanilang
paghihirap, tulad ng ginawa noon ni Marcos, subalit itinataguyod pa rin niya at
lalong pinalalawak ang kaparehong pang-ekonomyang polisiyang makamayaman at
neoliberal na inumpisahan ni Marcos at pinaburan ng kaparehong oligarkiyang
kinakalaban umano niya. Tulad din ng kay Marcos ang kanyang malinaw na layunin;
ang durugin ang mga natitira o maaaring maging oposisyon upang madambong ng mga
namumunong elitista, lalo na ang kanyang mga kroni at tagasuporta, ang
likasyaman ng bansa at lalo pang mapagsamantalahan ang bayan nang walang
pagtutol.
Patay na si Marcos, subalit ay si Duterte at ang
mga kagaya nitong naglalatag ng daan upang mapanumbalik ang isang malawakang
diktadura, ang mga nabubuhay niyang pamana.
Hangga’t hindi napipigilan si Duterte, nanganganib
na mawala ang ating natatanging kalayaang ibinunga ng mga isinakripisyong buhay
ng mga lumaban sa diktadura, lalo pang nagiging masalimuot na maisabuhay ang
mga kalayaang ito sa pakikibaka para sa buhay na may dignidad sapagkat, batay
sa ating mga natutunan sa karanasan, nagiging marahas ang mga namumunong
elitista upang durugin ang mga demokratikong kilusang nananawagan ng
makahulugang pagbabagong panlipunan.
Kinakailangang mapigilan natin ang mga pwersa ng
awtoritaryanismo sa pagpapatupad ng mas marami pang panuntunang ala-Marcos at
dapat na mapigilan agad natin sila sa pagsulsol at pagsasagawa ng mga pagpatay
ng estado sa ngalan ng kapayapaan at kaayusan.
Dapat natin silang pigilang baguhin ang kasaysayan
at maging normal ang mga polisiyang mapaniil. Kinakailangan nating pigilan sila
sa pagpuri kay Marcos sa pamamagitan ng panawagang hukayin ang bangkay ng
diktador sa Libingan ng mga Bayani.
Dapat nating harangan ang lahat ng mga pagsisikap
na ilagay ang walang-pagsisising anak na lalaki ni Marcos bilang kahalili ni
Duterte at pigilan ang pamilyang Marcos na muling makabalik sa Malakanyang.
Bagamat kinikilala nating ang lahat ng mga bantang
ito ay mga sintomas lamang ng mas malalim na panlipunang suliranin, dapat din
nating bigyang-pansin ang mga batayang kalagayan na nagbigay-kaya at nagpalakas
kay Marcos upang ilatag ang daan patungong diktadura.
Gayunpaman, ang awtoritaryanismo’y hindi lamang
produkto ng kagustuhan ng ‘masasamang tao’; o kaya’y bunga lamang ng
‘kamangmangan’ o ang mga tao’y ‘nalinlang’.
Kinikilala nating ang mga kalagayan ng pagbabalik
ng diktadura ay nahihinog ng inseguridad, poot, at kawalang pag-asa ng masa –
isang malalim na pagkadama ng pagkakanulo matapos ang pagtanggi ng mga
namumunong elitista matapos ang panahon ni Marcos upang ipatupad ang repormang
agraryo, upang tiyakin ang sapat na trabaho at makataong sahod, upang tiyakin
ang sapat na panlipunang serbisyo, at ipwesto ang mga napakamahahalagang
proseso upang makahulugang makalahok ang mga tao sa pulitika at pamamahala.
Epektibong iginilid ng elitistang “demokrasya” ang mayorya ng mahihirap sa
pamamaraang mas madali para sa administrasyong Duterte na maitaboy lang sila
dahil sila’y “hindi kanais-nais”.
Sa madaling salita: nakaugat ang awtoritaryanismo
sa ating “demokrasyang” elitista at ang pang-ekonomyang sistemang
pinagsisilbihan nitong protektahan.
Ibig sabihin nito, na upang maharang natin ang
diktadura, kinakailangan din nating lumaban para sa mapangahas na pagbabagong
panlipunan na magpapalaya sa atin mula sa takot at magbibigay sa atin ng
pag-asa.
Upang makamit ito, tayo’y lalahok at makikipagkaisa
sa kilusan ng mga manggagawa, magbubukid, maralita at panggitnang uri na
matagal nang nakikibaka para sa demokrasya, at inilalagay sa harapan at sentro
ng ating kolektibong pakikibaka ang kababaihan, LGBT, kabataan at iba pang
grupong sagigilid.
Sa pagsasagawa natin nito, maging mapagbantay tayo
sa pagtatanggol sa ating awtonomiya mula sa mga seksyon ng naghaharing uri, na
bagamat tutol sa mga sintomas ng awtoritaryanismo, ay bigong maipahayag ang mas
malalalim na dahilan nito at patuloy na nilalabanan ang pagbabagong panlipunan.
Tanging sa pagpapalit sa elitistang “demokrasya” ng
demokrasyang mapangahas at nakalalahok ang lahat at tanging sa pagbabago ng
sistemang pang-ekonomya’t pampulitika ay maililibing natin sa wakas ang
diktadura at mapanatili ito sa hukay.
-
malayang salin ni goriobituin/020917